MANILA, Philippines — Umarangkada agad sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons nang matikas na patumbahin sina Shinako Tanaka at Miyuki Matsumura ng Japan, 21-14, 21-8 upang makahirit ng tiket sa Round of 12 ng FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open kahapon sa White House Beach Station 1 sa Boracay.
Nakatakdang harapin nina Rondina at Pons sina Japanese pair Satono Ishitsubo at Asami Shiba ngayong gabi para sa karapatang umusad sa quarterfinals.
Sariwa pa sa UAAP indoor volleyball runner-up finish si Rondina kasama ang University of Santo Tomas. Ngunit mabilis itong nakapag-adjust sa sand court kasama ang dati nang katropang si Pons para impresibong makuha ang unang panalo.
“Actually two days lang yung training ko. But, before entering the training, naka-mindset na ako na babalik ako sa outdoors. “Siguro, it’s muscle memory and then I watched sa YouTube, yung mga previous games namin (ni Pons), kung paano kami gumalaw. Ayun, it’s all about mindsetting,” ani Rondina.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakaharap ni Rondina ang 43-anyos na si Tanaka.
Magugunitang sina Tanaka at Fujii Sakurako ang tumalo kina Rondina at Dzi Gervacio sa quarterfinals ng 2018 Beach World Tour Manila Open.
Kaya naman matamis na tagumpay ito para kay Rondina.
Bigo naman ang iba pang Pinay spikers.
Lumasap sina Bea Tan at Dij Rodriguez ng makapigil-hiningang 21-17, 13-21, 14-16 kabiguan kina Singaporeans Eliza Chong at Lau Ee Shan habang natalo sina Jackie Estoquia at DM Demontaño kina Australians Brittany Kendall at Stefanie Weiler, 18-21, 14-21.