MANILA, Philippines — Muling lumasap ng kabiguan ang San Miguel Alab Pilipinas nang umani ito ng 74-88 kabiguan sa Formosa Dreamers upang mahulog sa No. 2 spot sa Asean Basketball League Season 9 Linggo ng gabi sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Nakaapekto ng husto sa Beermen ang pagkawala nina Renaldo Balkman (concussion), Lawrence Domingo (MCL tear) at Brandon Rosser (kanang tuhod) na pare-parehong may iniindang injury.
Sampung manlalaro lamang ang nakapaglaro sa panig ng Beermen kung saan nanguna si two-time MVP Bobby Ray Parks Jr. na may 24 puntos, pitong rebounds at limang assists.
Malaking dagok pa ang pagkawala ni Josh Urbiztondo sa laro matapos itong ma-eject dahil sa mainit na pakikipagbuno kay Formosa Dreamers import Malcolm Miller sa huling 2:30 minuto ng laro.
Nasolo ng Formosa Dreamers ang liderato hawak ang 18-6 rekord habang bumagsak sa ikalawa ang Alab Pilipinas na nahulog sa 18-7 baraha.