MANILA, Philippines — Muling lumasap ng kabiguan ang San Miguel Alab Pilipinas nang yumuko ito sa Macau Black Bears, 84-114 noong Biyernes ng gabi sa Asean Basketball League Season 9 sa Foshan International Sports and Cultural Center sa Macau.
Nagsilbing tinik sa lalamunan ng Beermen si Filipino-American Mikh McKinney na siyang bumuhat sa Black Bears sa panalo.
Nagtala ang Sacramento State standout na si McKinney ng 43 points, walong assists at limang rebounds para muling magbida sa panig ng Black Bears.
Nauna na itong nagrehistro ng 50 puntos sa kanilang huling laro.
Naging pasakit pa sa Beermen ang pagkawala nina Renaldo Balkman, Lawrence Domingo at Brandon Rosser na may iniindang injury.
Sumandal ang Alab Pilipinas kay Puerto Rican import PJ Ramos na nagsumite ng 24 points at siyam na rebounds habang nagdagdag si Bobby Ray Parks Jr. ng 12 markers at umiskor si Josh Urbiztondo ng 16 points.
Ngunit kapos pa rin ang pinagsikapang produksiyon nina Ramos, Parks at Urbiztondo para makuha ang panalo.