MANILA, Philippines — Nalusutan ng Cignal-Ateneo de Manila University ang mainit na simula ng Family Mart-Enderun upang kunin ang 82-68 panalo kahapon sa 2019 PBA D-League sa Paco Arena sa Manila.
Matayog ang lipad ni Tyler Tio nang humataw ng 20 puntos tampok ang 14 sa payoff period kung saan naglista ito ng impresibong 6-of-9 shooting clip sa three-point territory.
Nagtala rin si Tio ng limang assists at dalawang rebounds para sa Cignal-Ateneo.
Nagpasabog din si Ivorian center Ange Kouame ng 20 puntos, walong rebounds, limang blocks at dalawang assists habang nag-ambag si William Navarro ng siyam na puntos, 15 boards, tatlong assists, isang steal at isang block.
Ito ang ikalawang panalo ng Blue Eagles para makuha ang solong pamumuno sa Aspirants Group.
Mula sa dikitang laro sa unang tatlong kanto, sumabog si Tio sa fourth quarter para hatakin ang Cignal-Ateneo sa 19 puntos na kalamangan, 79-60.
Mula rito ay hindi na lumingon pa ang Blue Eagles para sa panalo.