MANILA, Philippines — Sinamantala ng nagdedepensang San Miguel Alab Pilipinas ang pagkawala ng import ng Mono Vampire Basketball Club upang kubrahin ang 78-59 panalo sa Asean Basketball League (ABL) Season 9 sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.
Isang malakas na puwersa ang pinakawalan ng Beermen sa second half para pabagsakin ang last season’s finalist Mono Vampire at mapatatag ang kapit sa solong pamumuno tangan ang 16-3 baraha.
Umariba ng husto si reigning Defensive Player of the Year Renaldo Balkman nang pakawalan nito ang 31 puntos mula sa 14-of-23 shooting percentage kasama pa ang anim na rebounds, apat na steals at dalawang assists.
Mainit din ang pagbabalik-aksiyon ni Puerto Rican import PJ Ramos na may double-double na 16 points at 19 boards kalakip ang pitong assists at isang block.
Bagsak ang Mono Vampire sa ikasiyam na puwesto hawak ang 5-14 baraha.