MANILA, Philippines — Haharapin ng four-peat seeking De La Salle Lady Spikers ang Adamson Lady Falcons habang magtatagpo naman ang opening day losers na National University Lady Bulldogs at University of the East Lady RedWarriors ngayon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Target ng Lady Spikers ang ikalawang sunod na panalo para muling makisosyo sa liderato sa pagharap kontra sa Lady Falcons sa alas-4 ng hapon pagkatapos ng labanan ng Lady Bulldogs at Lady Red Warriors sa alas-2 ng hapon.
Dahil sa kanilang misyon na historic four-straight championship title, nagpataw ang Lady Spikers ng sariling social media ban para iwasan ang mga posibleng destructions at mag-focus sa kanilang mga laro.
“Wala na, deleted na Twitter namin before mag-start ng season,” ani Cheng na naglalaro sa pang-lima at huling taon sa UAAP.
Ayon kay Cheng, ang nasabing self-imposed ban ay aabot ng mahigit apat na buwan hanggang matapos ang UAAP volleyball tournament kung saan dinomina nila sa huling tatlong seasons.
“Sa aming sarili lang kami nag-impose. Kahit sa mga rookies sinabihan namin kasi ‘yung hype sa Twitter sobrang iba. Sobrang iba talaga. Kaya ayun shutdown muna ang Twitter namin. Sabi namin. ‘Kahit hindi n’yo i-delete ang Twitter basta ‘wag na kayong magsi-search ng whatever na gusto n’yong i-search,” wika pa ni Cheng.
Umani si Cheng ng 13 puntos kabilang na ang walong atake, dalawang blocks at tatlong aces sa panalo nila kontra sa karibal na Ateneo Lady Eagles, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19 noong Linggo.
Hangad naman ng Adamson Lady Falcons ni coach Airess Padda na bumangon agad matapos matalo sa UST Tigresses, 21-25, 21-25, 26-24, 26-24, 15-6 noong Linggo rin.
Sa men’s division, target ng UE Red Warriors ang ikalawang panalo sa pakikipagtuos laban sa NU Bulldogs sa alas-8 ng umaga at magtatagpo rin ang Adamson Soaring Falcons at DLSU Green Spikers sa alas-10 ng umaga.