Guiao tiwalang mananalo sa Qatar
MANILA, Philippines — Kumpiyansa si head coach Yeng Guiao na tatalunin ng Team Pilipinas ang Qatar sa kabila ng posibleng pagsamantala ng huli sa pagkakaroon ng homecourt advantage.
“We feel that we’re ready against Qatar,” wika ni Guiao. “We beat them the last time, pero pahirapan itong game na ito.”
Tinalo ng Pilipinas ang Qatar, 92-81 sa una nilang pagtatagpo noong nakaraang Setyembre sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakdang labanan ng Team Pilipinas ang Qatar ngayong alas-12 ng gabi (Manila time) sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers..
“I thought with the twice-a-day practice from Sunday, manlalata or they would pace themselves, but they didn’t. They feel they have to put in the work, and they’re doing it,” dagdag pa ng national mentor.
Ang Final 12 na pinili ni Guiao para labanan ang mga Qataris ay sina naturalized center Andray Blatche, five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Mark Barroca, Jayson Castro, Poy Erram, Marcio Lassiter, Paul Lee, Gabe Norwood, Troy Rosario, Scottie Thompson at Thirdy Ravena.
Isinama ni Guiao ang anak ni dating PBA guard Bong Ravena sa koponan matapos magkaroon ng injury si center Raymond Almazan habang isisilbi pa ni guard RR Pogoy ang kanyang FIBA suspension.
Inaasahang magagamit ni Guiao si Pogoy sa pagharap ng Nationals kontra sa Kazakhstan sa Pebrero 24 sa Astana, ang ikalawang pinakamalamig na kabisera sa buong mundo.
Tangan ang 5-5 record sa Group F, kailangang talunin ng Team Pilipinas ang Qatar at Kazakhstan para mapalakas ang kanilang tsansang makapagbulsa ng tiket sa 2019 FIBA World Cup na pamamahalaan ng China sa Setyembre.