Nationals kailangang manalo sa Final Window
MANILA, Philippines — Bagama’t puwersadong mawalis ang huli nilang dalawang laro sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers ay hindi ito dapat isipin ng Team Pilipinas.
Sinabi ni national coach Yeng Guiao na walang maitutulong kung magiging ‘pressure’ sa koponan ang pagpapatumba sa Qatar at Kazakhstan.
“We’re trying to focus on the game plan and the system we’re playing,” wika ni Guiao.
Lalabanan ng Team Pilipinas ang Qatar sa Pebrero 21 sa Doha habang muli nilang haharapin ang Kazakhstan sa Pebrero 24 sa Astana.
Mula sa komportableng klima sa Doha, Qatar ay makakaramdam ng below-zero temperature ang Nationals sa Astana sa pagsagupa sa Kazakhs.
Ang Astana ang ikalawang pinakamalamig na capital city sa mundo matapos ang Ulaanbaatar, Mongolia.
Nakatakdang bumiyahe ang Team Pilipinas patungong Doha bukas at may apat na araw pa para makasabay sa ensayo si naturalized center Andray Blatche bago harapin ang mga Qataris sa Huwebes sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall.
Sa pagharap sa Kazakhstan ay magkakaroon lamang ang tropa ng one-day practice period.
Dahil walang direct flight mula sa Qatar patungong Kazakhstan ay sasabak ang Team Pilipinas sa five-hour flight papunta sa Istanbul, isang eight-hour layover at five-hour journey diretso sa Almaty na may negative 20 degrees (Celsius) temperature.
Ang kailangan lamang gawin ng Nationals ay ikundisyon ang kanilang mga isip sa paglalaro sa isang napakalamig na venue.