Patatagan ng binti sa LBC Ronda simula na

MANILA, Philippines — Uumpisahan na ng mga Filipino riders ang kanilang asam na makalikom ng 2020 Tokyo Olympic Qualifying points sa paglarga ng  UCI-Sanctioned 2019 LBC Ronda Pilipinas na papadyak ngayong araw sa Iloilo City.

Sa pangunguna ng nagdedepensang si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance, pepedal ang mga siklista kabilang na ang mga foreign riders sa 197.6-kilometer Stage One mula sa Iloilo City Hall hanggang sa Megaworld Festive Walk Mall ng siyudad.

Hangad ng Navy-Standard Insurance ang pang-anim na team title, ngunit inaasahan din ang mabigat na hamon mula Go for Gold at 7 Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Philippines.

Bukod kay Oranza, ang iba pang mabibigat na kala­ban para sa top prize ay sina two-time champion Jan Paul Morales at 2018 Le Tour titlist El Joshua Cariño, 2011 at 2015 titlist Santy Barnachea at 2012 champion Irish Valenzuela ng 7-Eleven Cliqq.

Kasama rin nina Oranza, Morales at Cariño sa Navy team sina Ronald Lomotos, Junrey Navarra at Rudy Roque habang sa Go for Gold ay sina team captain Ronnel Hualda, Ronilan Quita, Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Boots Ryan Cayubit at Daniel Van Cariño.

Sa 7 Eleven team naman sina Marcelo Felipe, 2012 Ronda king Irish Valenzuela, Rustom Lim, George Oconer, Dominic Perez at Arjay Peralta.

Show comments