MANILA, Philippines — Igagawad ang pinakamataas na parangal sa lahat ng gold medallists sa 2018 Asian Games sa gaganaping Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Pebrero 26 sa Manila Hotel.
Kikilalaning Athletes of the Year sina Hidilyn Diaz, Margielyn Didal, Yuka Saso, at ang women’s golf team nina Saso, Lois Kaye Go at Bianca Pagdanganan – ang mga atletang nagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas sa Indonesia Asian Games.
Pinagreynahan ni Diaz, ang Rio Olympics silver medallist, ang women’s -53kg event sa weighlifting, habang nagkampeon naman si Saso sa individual golf kasabay ng pagbuhat sa women’s team sa gold-medal finish sa team event.
Namayagpag naman si Didal sa street skateboard competition.
Ang apat na gintong medalya ng Pilipinas sa Indonesia Asiad ang pinakamaraming ginto ng bansa sapul noong 2006 edisyon sa Doha, Qatar kung saan nakaapat na ginto rin ang pambansang delegasyon mula kina Antonio Gabica, Violito Payla, Joan Tipon at Rene Catalan.
Magsisilbi namang guest speaker sa nasaning programa si bemedalled athlete Bea Lucero-Lhuillier na nakadalawang ginto sa gymnastics noong 1987 Southeast Asian Games sa Jakarta, at tanso naman sa 1992 Barcelona Olympics nang laruin ang taekwondo bilang demonstration sports.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 10 taon na isang all-female recipient ang gagawaran ng Athlete of the Year honors.
Noong 2009 ay ginawaran sina pool champion Rubilen Amit, long-jump queen Marestella Torres at ang poomsae team nina Rani Ann Ortega, Camille Alarilla, at Janice Lagman bilang Athletes of the Year.
Papangalanan din ang National Sports Association of the Year, Executive of the Year, Mr. Basketball, Mr. at Ms. Volleyball at Mr. Football.
Kasama rin ang President’s Award, Major Awards, Citations, Tony Siddayao Awards, Junior Athletes of the Year, Posthumous at Lifetime Achievement Awards.