Lady Chiefs, Lady Red Spikers target ang ikaapat na sunod na panalo

Laro Ngayon: (The Arena, San Juan City)

12 n.n – EAC vs San Beda (Women)

2 p.m. – SSC-R vs Arellano (Women)

MANILA, Philippines — Parehong puntirya ng nagdedepensang Arellano Uni­versity at San Beda University na masungkit ang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap sa magkaibang karibal ngayong araw sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Masusubukan ang tikas ng Arellano laban sa wala pang talong San Sebastian College-Recoletos sa alas-2 ng hapon, habang sasagupain naman ng San Beda ang Emilio Aguinaldo College sa alas-12 ng tanghali.

Mainit ang simula ng Lady Chiefs at Lady Red Spi­kers na parehong may imakuladang 3-0 baraha para pagsosyohan ang liderato, habang nakabuntot sa ikatlo ang Lady Stags na may malinis ring 2-0 marka.

Galing ang Arellano sa 25-15, 25-12, 25-13 panalo laban sa Mapua University para maikonekta ang kanilang ikatlong dikit na panalo.

Nagpasiklab sa naturang laro si Nicole Ebuen na nagsumite ng 15 points at nagtala naman sina Carla Do­­nato at Regine Arocha ng pinagsamang 19 hits para pa­munuan ang ratsada ng Lady Chiefs.

Ngunit daraan sila sa butas ng karayon dahil nama­mayagpag din ang San Sebastian na pinayuko ang Ly­ceum of the Philippines, 25-12, 25-21, 17-25, 22-25, 15-9, at Mapua, 25-23, 25-15, 14-25, 25-23, sa kanilang unang dalawang laro.

Aasahan ng Lady Stags sina Nikka Dalisay, Ashtara Sarmiento, Joyce Sta. Rita at Shannai Requirme na si­yang gumawa ng importanteng puntos sa kanilang hu­ling pagsalang.

“Lumalabas ‘yung pagiging bata ng mga players dahil mabilis silang ma-distract. Hopefully, mas maganda ang laro namin sa mga susunod naming games especially against  Arellano,” pahayag ni San Sebastian head coach Roger Gorayeb.

Sa kabilang banda, nanaig ang San Beda laban sa Lyceum sa mabilis na 25-21, 25-22, 25-16 desisyon.

Sasandigan ng Lady Red Spikers sina Maria Nieza Viray at Cesca Racraquin laban sa Lady Generals na wa­la pa ring naitatalang panalo sa torneo.

Show comments