MANILA, Philippines — Ito pa lamang ang pang-10 laban ni Mark Anthony Barriga bilang isang professional boxer, ngunit kaagad siyang nabigyan ng pagkakataong maging world boxing champion.
Lalabanan ni Barriga (9-0-0, 1 KO) si Mexican-American Carlos Licona (13-0, 2 KOs) para sa bakanteng International Boxing Federation minimumweight crown ngayon sa Staples Center sa Los Angeles, California.
“Sana bigyan tayo ng chance ni God na maipanalo ang laban,” sabi ng 25-anyos na tubong Danao, Cebu sa kanyang unang championship fight.
Sa kanilang official weigh-in kahapon ay tumimbang si Barriga ng 103.6 pounds habang mas mabigat ang 23-anyos na si Lincona sa 104.8 pounds.
Nakasama ni Barriga sina IBF super flyweight world champion Jerwin Ancajas at 2016 Olympian Charlton Suarez bukod pa kay Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire Jr., na ang dating chief trainer na si Robert Garcia ang tumatayo ngayong cornerman ni Licona.
“The advantage when it comes to experience, skills, I think Barriga has it,” wika ni Garcia, ang 2012 BWAA Trainer of the Year.
Ang 2012 Olympic Games campaigner na si Barriga ay nagwagi ng gold medal noong 2013 Southeast Asian Games at nag-uwi ng bronze medal noong 2014 Asian Games.