MANILA, Philippines — Napanatili ng Petron Blaze Spikers ang imakuladang record matapos pabagsakin ang Cignal HD Spikers sa bisa ng 25-22, 25-16, 25-19 desisyon kahapon sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Caloocan Sports Complex.
Nagbida sa pagkakataong ito si outside hitter Ces Molina para buhatin ang Blaze Spikers sa ikalimang sunod na arangkada at higit pang mapatatag ang kapit sa solong liderato.
Tumapos si Molina na may 12 attacks, dalawang aces at isang block para sa Petron.
Nagbigay ng suporta si middle hitter Mika Reyes na gumawa ng 11 puntos galing sa pitong attacks at tigalawang blocks at aces sa larong tumagal lamang ng isang oras.
Nalaglag sa 3-3 rekord ang HD Spikers.
Sa unang laro, patuloy ang mainit na ratsada ng Generika-Ayala matapos payukuin ang Smart Giga Hitters, 25-19, 25-12, 25-15, para sumulong sa 3-3 baraha.
Nalimitahan sa anim na puntos si Grethcel Soltones sa panig ng Giga Hitters na nalaglag sa 2-3 marka.
Sa Collegiate Grand Slam, sinakmal ng University of Santo Tomas ang ikalawang sunod na panalo makaraang igupo ang Far Eastern University, 25-16, 13-25, 25-17, 25-15.