LAS VEGAS -- Nakalusot sina Philippine champions Merwin Tan at Marie Alexis Sy sa mabigat na 24-player qualifying period matapos magtala ng malalaking iskor sa 54th Bowling World Cup international finals dito sa Sam’s Town Center.
Kumana si Tan ng high game na 268 at average na 210.79 para sa kanyang 5059 pinfalls sa 24 games at tumapos sa No. 13.
Sapat na ito para umabante ang Pinoy bowler sa second round ng men’s divison ng world individual kegfest.
Nagpagulong naman si Sy ng high game na 245 at average na 196.75 para maglista ng 4729 pinfalls sa 24 games at upuan ang No. 19 seat sa women’s category.
Pinangunahan nina American Kyle Troup at Li Jane Sin ng Malaysia ang men’s at women’s divisions sa kanilang 5674 at 5111 pinfalls, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa si Osku Palermaa ng Finland ng 5560 para pumangalawa kay Troup kasunod si Ryan Reid (5479) ng Canada.
Sasabak sa walong games ang mga kalahok na magdedetermina sa top eight papasok sa men’s at women’s quarterfinals.