MANILA, Philippines — Kagaya ng dapat asahan, tatanggap si Fil-Norwegian kiteboarder Christian Tio ng cash incentive matapos mag-uwi ng silver medal mula sa nakaraang 2018 Youth Olympic Games na idinaos sa Buenos Aires, Argentina.
Sa Nobyembre 6 ay nakatakdang tanggapin ni Tio ang cash incentive na P2.5 milyon sa kanyang courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kasama ang mga 2018 Asian Paragames medalists.
Sinabi ng 17-anyos na tubong Boracay na gagamitin niya ang nasabing insentibo para sa kanyang paghahanda sa paglahok sa 2024 Olympic Games sa Paris.
“Kiteboarding will be an Olympic sport in 2024 in Paris, that’s part of the plan,” ani Tio sa isang press conference sa Rizal Memorial Sports Complex kasama sina Philippine Sports Commissioners Arnold Agustin at Celia Kiram, YOG Chef de Mission at Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation President Jonne Go at ang ina ng kiteboarder na si Liezl Mohn.
Walang kiteboarding event na nakalinya sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.
Sa edad na 7-anyos ay ipinakilala na ni Liezl ang kanyang anak sa kiteboarding sa Boracay.
Inangkin ni Tio ang silver medal sa men’s kiteboarding twin tip racing habang sina Toni Vodisek ng Slovenia at Deury Corniel ng Dominican Republic ang kumuha sa gold. (RC)