MANILA, Philippines — Bumangon ang Alaska mula sa naunang kabiguan para palakasin ang tsansa sa Top Four.
Kumamada si import Mike Harris ng 44 points at 27 rebounds sa 104-94 paggiba ng Aces sa Columbian Dyip sa 2018 PBA Governor's Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang ikaanim na panalo ng Alaska sa walong laro ang nagtabla sa kanila sa Blackwater (6-2) sa ikatlong puwesto sa ilalim ng Magnolia (7-1) at nagdedepensang Barangay Ginebra (7-2).
Nalasap naman ng Columbian ang kanilang pang-siyam na sunod na kamalasan.
Kaagad kumolekta si Harris ng 25 markers at 14 boards sa first half kung saan nagtayo ang Aces ng 10-point lead, 53-43, laban sa Dyip.
“I was able to get established early in the first quarter and my teammates kept finding me,” wika ni Harris.
Pinalaki pa ito ng Alaska sa 81-61, sa 3:06 minuto ng third period bago ito napababa ng Columbian sa 86-93 mula sa dalawang free throws ni Jackson Corpuz sa 5:27 minuto ng fourth quarter.
Ngunit muling humataw si Harris katuwang sina Vic Manuel at Chris Banchero para muling ilayo ang Aces sa 101-88 sa huling 1:52 minuto ng laro.
Nag-ambag si Manuel ng 16 points kasunod ang tig-10 markers nina Banchero at JVee Casio, ayon sa pagkakasunod, para sa Aces.
Tumapos naman sina import Akeem Wright at Corpuz na may tig-19 points para banderahan ang Dyip, habang nag-ambag naman ng 14 markers si Jerramy King.