BUENOS AIRES -- Nagpalakas ng tsansa sa medalya si Filipina archer Nicole Tagle matapos umabante sa quarterfinal round katambal si Hendrik Oun ng Estonia sa mixed international team event ng 2018 Youth Olympic Games dito.
Tinakasan nina Tagle at Oun ang lower-ranked duo nina Isabela Bassi ng Chile at Ravien Dalpatadu ng Sri Lanka sa shoot off, 5-4.
Makakasagupa nina Tagle at Oun sa quarterfinals sina Alyssia Tromans-Ansell ng Great Britain at Reza Shabani ng Iran.
“To advance, we have to be consistent again in the next round,’’ wika ni Tagle, nagtala ng pinagsamang iskor na 19 points katulong si Oun laban sa 17 points nina Bassi at Dalpatadu sa shoot off.
Hangad ng archer mula sa Dumaguete City na maduplika ang ginawa ni Gab Moreno, ang unang Filipino na nag-uwi ng gold medal sa Youth Olympics sa pakikipagtambal kay Li Jiaman ng China noong 2014 edition.
May ranggong No. 4 sa mixed event, sinibak nina Tromans-Ansell at Shabani sina Wian Roux ng South Africa at Himani Himani ng India, 5-1, patungo sa quarterfinals.