MANILA, Philippines — Iginupo ng Lyceum of the Philippines ang College of Saint Benilde, 77-64, upang masikwat ang ‘twice-to-beat’ advantage sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumana si reigning MVP CJ Perez ng double-double na 17 points at 10 rebounds kalakip ang apat na steals at isang assist para buhatin ang Pirates sa 15-2 rekord.
Nakakuha siya ng sapat na suporta mula kay import Mike Nzeusseu na nagsumite naman ng 13 markers, walong boards, apat na blocks at dalawang assists, habang nagdagdag ng tig-10 sina Reymar Caduyac at MJ Ayaay.
“We all know it’s gonna be tough from here on. We’re so locked in on what we prepared for. We never abandoned to what’s really important to us,” wika ni Lyceum mentor Topex Robinson.
Pinuri ni Robinson ang matikas na ipinamalas ng Blazers na nagbigay muna ng magandang laban bago isuko ang panalo sa Pirates.
Tuluyan nang nasibak ang Blazers na nahulog sa 8-8 baraha dahilan upang awtomatikong masungkit ng University of Perpetual Help System Dalta ang huling Final Four slot.
Nanguna para sa St. Benilde si Justine Gutang na naglista ng 13 puntos at pitong rebounds, samantalang nagsumite sina Clement Leutcheu at Ray Carlos ng tig-11 puntos.
Sa ikalawang laro, ibinulsa ng nagdedepensang San Beda Red Lions ang ‘twice-to-beat’ bonus matapos talunin ang Arellano Chiefs, 90-52, para sa kanilang 15-1 kartada.
May 5-11 marka ang Chiefs.