MANILA, Philippines — Humirit agad ang Pilipinas ng apat na medalya tampok ang isang ginto sa swimming competition ng 2018 Asian Para Games sa Gelora Bung Karno Aquatic Stadium sa Jakarta, Indonesia.
Ibinigay ni Ernie Gawilan ang unang gintong medalya ng bansa nang magtala ng dalawang minuto at 52.43 segundo sa men's 200m individual medley SM7.
Pinalubog ni Gawilan sina Chen Liang Da ng Chinese-Taipei (2:55.90) at Jadhav Suyash Narayan ng India (2:56.51).
Nagdagdag pa si Gawilan ng pilak na medalya sa men's 50m freestyle S7 event nang magsumite ng 31.93 segundo.
Umani naman ng tansong medalya si Gary Bejino sa men's 100m backstroke.
Naorasan si Bejino ng 1:28.54 sa ilalim nina gold medalist Yang Hong ng China (1:18.97) at silver medalist Aung Myint Myat ng Myanmar (1:24.84).
Nagparamdam din ang powerlifting team nang angkinin ni Achelle Guion ang pilak na medalya sa women's 45kg event kung saan bumuhat siya ng kabuuang 67 kgs.
Sa kabuuan, umani na ang Pilipinas ng isang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya.
Inaasahang madaragdagan pa ang medalya ng bansa sa oras na sumabak ang iba pang miyembro ng delegasyon.