2 tanso nadagdag sa team Philippines

Ibinitin ni Fil-Am guard Jordan Clarkson ang kanyang tira para maiwasan ang supalpal ng isang Korean defender.
Joey Mendoza

 JAKARTA— Bagama’t talo ang Philippine National basketball team sa kanilang quarterfinal match kontra sa Korea, binigyan ni Cherry Mae Regalado at ng karateka na si Tsukii Junna ng konsolasyon ang Philippine Team sa paghahatid ng ika-12 bronze medal ng Pinas sa 18th Asian Games na idinaraos dito at sa Palembang.

Bago pa man harapin ng “Gilastopainters” ang Koreans ay naitala na ang third place finish ng 23-gulang na si Regalado sa women’s Seri Singles Pencak Silat competition kahapon sa Padepokan Pencak Silat TM III.

Naging motibasyon ni Regalado ang pagkakasilat sa kanya ng bronze medal noong 2017 Southeast Asian Games, para sa ikatlong tansong medalya ng Pinas sa pencak silat matapos mag-deliver ang kanyang mga kasamang sina Dines Dumaan at Jefferson Rhey Loon noong Linggo.

“Hindi ko napigilan ang pag-iyak noong SEA Games kasi po alam ko na makaka-medal ako,” sabi ng Nutrition graduate mula sa Aklan State University sa Banga, Aklan. “Hindi po ako nag-give-up at sinabi ko po sa sarili ko na patutunayan ko sa kanila na nagkamali sila ng judging.”

Kinahapunan, idiniliber ng 26 gulang na 2017 SEAG bronze medalist na si Junna ang ikalawang bronze ng Pinas sa 50kg matapos ang 4-1 panalo kay Raksachart Paweena ng Thailand.

Bumawi si Junna sa kanyang pagkatalo sa kanyang opening quarterfinal match kay Bakhriniso Babaeva ng Uzbekistan, 1-2 sa pamamagitan ng 4-2 panalo kay Hawraa Alajmi ng UAE para pumasok sa bronze medal match.

Kinapos lamang ng isang puntos si Regalado, nag-gold medal sa Asian Games Invitation Tournament dito, sa kanyang 444 points para sa silver medal na nakuha ng Singaporean na si Nurzuhairah Mohammad habang ang gold me­dalists na si Puspa  Arumsasi  ng host country ay may kabuuang 467 puntos.

Sa kabuuan, ang Pinas ay may tatlong gold at 12 bronzes na nag-akyat sa bansa mula sa 24th place sa 16 spot matapos makaungos ang UAE at Mongolia.

Nama­mayag­pag na ang China sa hinakot na 78-ginto, 60-pilak at 40-bronze para sa kanilang patuloy na dominasyon sa quadrennial meet na ito.

Show comments