MANILA, Philippines — Matapos mag-uwi ng bronze medal mula sa 2018 World Youth Championships, malaki ang tiwala ni National Youth Boys team head coach Biboy Rivera sa magandang kampanya ng tropa sa tatlong iba pang international tournaments sa taong ito.
Nagpakitang gilas ang Philippine national youth boys team sa world championship na ginanap sa Michigan, Detroit, USA kamakailan lang.
Kabilang ang gintong medalya sa boys team event ng 2018 Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia ang tinatarget ng koponan, ayon kay Rivera.
Ang ibang torneo na sasalihan ng national youth team ay ang 2018 World Men’s championship sa Hong Kong at Asian Schools championship sa Taiwan.
“A bronze that glitters like gold. I’m very happy and satisfied with their performance,” sabi ng 44-anyos na si Rivera, ukol sa boys youth team na kinabilangan nina Kenzo Umali, Merwin Tan, Praise Gahol at Ivan Malig.
Ang huling pagkakataon na nag-uwi ng medalya ang Pilipinas sa World Youth Championship ay noon pang 1992, kung saan nasungkit din ni Angelo Constantino ang singles gold medal na ginanap sa Venezuela.
Ayon sa team captain ng koponan na si Umali, ang kanilang bronze medal na panalo sa World Youth tourneo ay sapat na para mas lalo silang magpursige upang angkinin ang medalya sa 18th Asian Games.
Sina Umali at Merwin Tan ay kabilang sa 12-man Phi-lippine men’s at women’s team na tutungo sa Palembang, Indonesia para suma-bak sa 2018 Asian Games ni head coach Paeng Nepomuceno at assistant coach Rivera.
Ang ibang miyembro ng national team para sa Asian Games bowling event na magsisimula sa Agosto 22 hanggang 27 ay sina Kenneth Chua, Enzo Hernandez, Jomar Jumapao, Merwin Tan, Raoul Miranda habang sa women’s team ay sina Dyan Coronacion, Alexis Sy, Liza Del Rosario, Lourdes, Arles, Lara Posadas at Rachelle De Leon.