MANILA, Philippines — Hindi nagpadaig ang Petron Blaze sa karibal na F2 Logistics matapos magwagi, 25-16, 21-25, 25-20, 26-24 para agawin ang ikalawang outright semifinals berth sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Superliga Invitational Conference noong Sabado ng gabi sa Muntinlupa City Sports Center.
Pinangunahan ni Bernadeth Pons ang Blaze Spikers sa kanyang 16 puntos habang si Mika Reyes ay umani ng 13 at 11 naman mula kay Sisi Rondina para sungkitin ang kanilang ikatlong panalo sa apat na laro at angkinin ang top spot sa Pool A.
Tumulong din ng 10 puntos si Aiza Maizo-Pontillas para makakuha ng karagdagang apat na puntos sa tie-break quotient system makaraang tumapos sa preliminary round sa three-way tie sa liderato kasama ang Cargo Movers at Generika-Ayala sa parehong 3-1 win-loss kartada.
Dahil sa panalo, nakakuha ng kabuuang sampung puntos ang Petron Blaze habang ang Cargo Movers ay umani ng siyam na puntos at pito naman sa Generika Lifesavers.
Bunga ng kabiguan, bumaba naman ang dating walang talong Cargo Movers sa ikalawang puwesto sa Pool A at dadaan sa quarterfinal round para muling subukang sungkitin ang isa sa huling dalawang semis slots.