MOSCOW — Ginulantang ng dehadong Croatia ang paboritong England, 2-1 para umabante sa finals ng 2018 FIFA World Cup.
Ito ang unang paglalaro ng mga Croatians sa World Cup finals matapos noong 1966.
Kinuha ng England ang 1-0 abante mula sa isang free kick sa unang limang minuto ng first half bago naging agresibo ang Croatia sa second half sa pamamagitan ng goal ni Ivan Perisic sa 68th minute para itabla ang laro sa 1-1.
Isinalpak naman ni Mario Mandzukic ang go-ahead goal sa 109th minute para tuluyan nang selyuhan ang pagsagupa ng Croatia laban sa France sa World Cup final.
“Mentally strong team,” sabi ni midfielder Ivan Rakitic. “It’s just unbelievable to get back in the game in this way.”
Nang tumunog ang final whistle at nalaman na maglalaro sila sa World Cup final ay sumugod ang mga Croatians sa kanilang mga fans suot ang iconic nilang red-and-white checkered jerseys.
“They’ve had an incredible route to the final. They’ve shown remarkable character,” ani England coach Gareth Southgate sa Croatia.
Nauna nang sinibak ng France, nakamit ang titulo ng World Cup noong 1998 sa sarili nilang tahanan, ang Belgium, 1-0 noong Miyerkules.