Lyceum buwenamano ang baste
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang nagdedepensang San Beda University bago kubrahin ang gitgitang 67-65 desisyon laban sa University of Perpetual Help System Dalta upang makuha ang pambuenamanong panalo kahapon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matinding depensa ang inilatag ng Red Lions sa huling sandali ng laro na nagresulta sa isang krusyal na steal ni Robert Bolick para pigilan ang tangkang maagaw ng Altas ang panalo.
Nakalikom si Bolick ng kabuuang 15 puntos kabilang ang perpektong 8-of-8 sa free throw line habang nagdagdag si Javee Mocon ng double-double na 14 markers at 10 boards gayundin si Donald Tankoua na may sariling double-double na 12 points at 12 rebounds.
“It’s really tough to play an opening game, mahirap maglaro ng first game. But the boys never gave up. Robert Bolick did a good job for us today,” wika ni San Beda head coach Boyet Fernandez.
Dinomina ng Red Lions ang shaded area tangan ang 46-32 bentahe sa rebounds subalit nalimitahan ito sa limang assists laban sa 19 ng Altas.
“Hindi nangyayari na five assists lang kami sa isang game. Credit to their (Perpetual Help) defense. We have to do better (in our next game). I have to fix the assists,” ani Bolick.
Mainit ang bakbakan sa pagpasok ng fourth quarter kung saan nahawakan ng San Beda ang 45-42 maliit na bentahe bago umariba ang Perpetual Help ng 6-0 run tampok ang putback ni Prince Eze para maagaw ang kalamangan, 48-45.
Naglunsad ng sariling atake ang Red Lions sa likod nina Bolick at Mocon para sa 65-61 sa pagpasok ng huling dalawang minuto ng laban.
Naiangat pa ito ng Mendiola-based squad sa 67-63 mula sa basket ni Tankoua.
Subalit hindi bumitiw ang Altas nang makakuha ng dalawang charities si Eze para makadikit sa 65-67 sa huling 14.8 segundo.
Bigong maisalpak ni Jomari Presbitero ang dalawang krusyal na free throws may siyam na segundo pang nalalabi dahilan para magkaroon ng tsansa ang Altas na maitabla o maipanalo ang laro.
Ngunit solidong depensa ang ibinigay ng Red Lions para mapuwersa ang Altas na makapagbigay ng turnover.
Sa ikalawang laro, sumandal ang Lyceum sa tikas ni Cameroonian Mike Nzeusseu para pabagsakin ang San Sebastian College, 85-80 at sumalo sa San Beda sa unahan ng standing.