Sa desisyon ng FIBA
MANILA, Philippines — Isang araw matapos ang nangyaring ‘basketbrawl’ noong Lunes, sari-saring takot ang naisip ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio hinggil sa magiging desisyon ng International Basketball Federation (FIBA).
Isa na rito ang posibleng epekto sa pamamahala ng Pilipinas, kasama ang Indonesia at Japan, sa FIBA World Cup sa taong 2023.
“We worked closely also with the board. We worked very hard to win the hosting in 2023, so I hope it doesn’t affect that hosting, and we will continue to prepare for that hosting,” ani Panlilio sa panayam ng Sports Center noong Martes ng gabi.
Noong Disyembre ay ibinigay ng FIBA sa Pilipinas, Indonesia at Japan ang hosting rights ng 2023 World Cup.
Ngunit sa nangyaring rambulan sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia sa third window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Lunes ay may mga Aussie na gustong alisin sa bansa ang naturang hosting rights.
Isa na rito si Greg Davis ng pahayagang Courier-Mail.
“The Philippines’ hosting rights for the 2023 FIBA World Cup also need to be seriously questioned,” wika ni Davis sa kanyang artikulo. “How can they host the game’s peak event outside the Olympics, if they cannot guarantee the safety of the players?”
“They can’t. They have no credibility. They cannot control their own team, let alone a crowd. They should be stripped of the 2023 World Cup,” ani pa ni Davis.
Inihayag ng FIBA na magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa nangyaring rambulan at kaagad magbababa ng desisyon ngayong linggo.
Related video: