MANILA, Philippines — Wala nang dapat ipangamba ang mga fans ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Mismong si Golden Boy Promotions CEO Oscar De La Hoya ang nagsabing wala nang balakid para sa paghahamon ni Pacquiao kay Argentinian world welterweight king Lucas Matthysse.
Sa katunayan ay magtutungo si De La Hoya sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Hulyo 10 para suportahan ang nasabing boxing event ng MP Promotions ni Pacquiao.
“I’m going to Malaysia on July 10 to be with Matthysse and Pacquiao, that fight is going to happen without any problem,” pahayag ni De La Hoya kahapon sa panayam ng ESPN Deportes.
Determinado ang 39-anyos na si Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) na maagaw sa 35-anyos na si Matthhysse (39-4-0, 36 KOs) ang suot nitong World Boxing Association welterweight belt sa Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Isa na sa nagpahayag ng pangambang makakansela ang Pacquiao-Matthysse championship fight ay si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“Matthysse is going to fight Pacquiao period, there is no other option,” sabi ni De La Hoya. “I don’t know why Bob Arum is saying (the event could fall out), I don’t know if he just doesn’t have confidence in the work that Pacquiao is doing in Malaysia or maybe he thinks that Pacquiao is not going to carry it out because he does not have things in order, but the truth is that I know (the event will happen).”
Sinabi kamakailan ni Pacquiao na naibigay na niya ang kulang na $2 milyon sa grupo nina De La Hoya at Matthysse.
“For me, every legend has his end and I think that this fight with Matthysse may be the end of Pacquiao,” ani De La Hoya, pinagretiro ni 'Pacman' noong 2008 via eight-round TKO.