SARANSK, Russia — Nagawa ng Japan ang hindi naisakatuparan ng ibang Asian team sa isang World Cup — ang talunin ang South American squad.
Umiskor ang Japan ng 2-1 panalo laban sa Colombia sa 2018 World Cup kahapon dito.
Ang krusyal na pagkakamali ni Colombia midfielder Carlos Sanchez sa pagsisimula ng laro ang nagresulta sa red card at penalty na nagbigay sa Japan ng 1-0 bentahe.
Matapos ang tatlong minuto ay muling napatawan ng red card ang Colombia na siyang pinakamabilis na naitala sa World Cup history.
Sinupalpal ni Sanchez ang sipa ni Shinji Kagawa sa pamamagitan ng kanyang kanang braso na nagresulta sa pagkakatalsik niya sa laro.
Nakaiskor ang Colombia, pinaglaro ang 10 players sa kabuuan ng laban, sa first half mula sa free kick ni Juan Quintero.
Ang Japan ang naging pinakahuling koponan na nakagawa ng upset sa World Cup matapos ang Mexico, Switzerland at Iceland.
Bago ang torneo ay nagpalit ang Japan ng coaches dahil nabigo ang mga Asian teams na talunin ang South American opposition sa nakaraang 17 World Cup meetings.
“Normally you prepare a match to play 11 players against 11 and to lose one player in the first three minutes — to lose such a crucial player — that’s not an easy thing,” ani Colombia coach Jose Pekerman.