MANILA, Philippines — Muling isinuot ni Rey Guevarra ng Phoenix ang korona ng slam-dunk competition matapos talunin si Renz Palma sa final round sa 2018 PBA All-Star Week kahapon sa Batangas City Coliseum.
Pumailanlang ang 6-foot-1 na si Guevarra sa hangin para isalpak ang isang dumadagundong na windmill dunk at makakuha ng perpektong 40 points mula kina judges Alvin Patrimonio, Benjie Paras, Atoy Co at Ed Cordero.
Ito ang ikaapat na slam dunk title ng dating Letran Knights star sa limang taon para makalapit sa record na lima ni Niño Canaleta ng Meralco.
Unang tinalunan ni Guevarra ang isang motorcycle habang isinalpak naman ni Palma ang kanyang one-handed dunk mula sa free-throw line.
Sa Three-Point Shootout, tinanghal si two-time PBA MVP James Yap ng Rain or Shine bilang bagong hari matapos magsalpak ng 24 points sa final round.
Tinalo ni Yap sina Stanley Pringle (21) ng Globalport at Terrence Romeo (16) ng TNT Katropa. (RC)