Rockets binomba ang Warriors

Tinirahan ni Eric Gordon ng Rockets si Draymond Green ng Warriors sa Game 2 ng NBA Western Conference Finals.

Serye dinala sa 1-1 tabla

HOUSTON --  Kagaya ng inaasahan, itinabla ng Rockets ang kanilang best-of-seven championship series sa 1-1.

Umiskor sina James Harden at Eric Gordon ng tig-27 points para pangunahan ang balanseng atake ng Houston para talunin ang Golden State Warriors, 127-105 sa Game Two ng Western Conference Finals.

Matapos kunin ang 26-21 abante papasok sa second period ay isang 12-5 atake ang inilunsad ng Rockets para iposte ang 38-26 kalamangan bago isara ang first half sa pamamagitan ng mga three-pointers.

Nagsalpak ang Houston ng 10 of 23 shooting sa 3-point range sa first half.

Hindi naghabol ang Rockets matapos ang first quarter at nagtayo ng double digit lead sa halos kabuuan ng laro para ma­kabawi sa 106-119 kabiguan sa Warriors sa Game One.

Magtutungo ang Houston team sa Oakland, California para labanan ang Golden State sa Game Three sa Lunes (Manila time).

Nagdagdag si P.J. Tucker ng playoff career-high 22 points at umiskor si Trevor Ariza ng 19 markers matapos ang malamya nilang ipinakita sa series opener  habang nagdag­dag si Chris Paul ng 16 points.

Muli namang binande­rahan ni Kevin Durant ang Warriors mula sa kanyang 38 points matapos humataw ng 37 markers sa Game One.

Ngunit nalimitahan sina Stephen Curry at Klay Thompson sa pinagsamang 24 points para sa Golden State.

Sa kabuuan ay tumipa ang Rockets ng 16 of 42 clip sa 3-point line kumpara sa 9 of 30 shooting ng Warriors.

Show comments