Laro Ngayon (Sta. Rosa Multi-Purpose Complex, Sta. Rosa, Laguna)
8 p.m. Alab Pilipinas vs Mono Vampire Thailand
MANILA, Philippines — Sisimulan na ng San Miguel-Alab Pilipinas ang kanilang hangarin sa titulo sa pakikipaglaban ngayon sa Mono Vampire Thailand sa Game 1 ng best-of-five championship series sa 8th ASEAN Basketball League sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Tangan ang bentahe sa home and away format, haharapin ng Alab Pilipinas ang Mono Vampire sa alas-8 ng gabi sa harap mismo ng inaasahang jampack pro crowd.
Bilang third seed pagtatapos ng elimination round, ang unang dalawang sunod na laro ay gaganapin dito sa Pilipinas at ang susunod na dalawa ay gagawin sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand at babalik sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex kung kinakailangan para sa deciding fifth game sa Mayo 2.
Nasungkit ng Mono Vampire ang ikalawang finals berth matapos walisin ang best-of-three semifinals kontra sa top seed Chong Son Kungfu China, 2-0 habang ang Filipino team ay nagwagi rin sa parehong 2-0 sweep laban sa nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions sa ibang semis match.
Malaki ang tiwala sa tropa ni coach Jimmy Alapag laban sa Thailand team dahil dalawang beses nitong tinalo ang Vampire sa elimination round.