MANILA, Philippines — Unti-unting gumagawa ng pangalan si Zoren James Aranas sa mundo ng billiards.
Muling umarangkada si Aranas nang pagharian nito ang 26th Super Billiards Expo Pro-Am Barbox Championship na ginanap sa Greater Philadelphia Expo Center sa Oaks, Pennsylvania.
Pinataob ni Aranas si Jorge Rodriguez sa bendisyon ng 2-0 panalo sa championship round.
Naitala ng Pinoy cue master ang 6-2 panalo sa Game 1 kasunod ang 6-5 pananaig sa Game 2 para masikwat ang $4,000 premyo. Nagkasya lamang sa $2,000 konsolasyon si Rodriguez.
Nakapasok sa finals si Aranas nang gapiin nito si Nathan Rose sa semifinals sa iskor na 2-0 (6-3, 6-1) habang nanaig naman si Rodriguez kay Dee Adkins sa pamamagitan ng 2-0 desisyon (6-5, 6-4) sa hiwalay na semis game.
Ito ang ikaapat na korona ni Aranas sa taong ito.
Naghari rin si Aranas sa 2018 Music City Classic Open Division noong Enero sa Madison, Tennessee kung saan nagkamit ito ng $4,500 premyo at sa 2018 Scotty Townsend Memorial Open 9-Ball Championship noong Marso sa West Monroe sa Los Angeles, California para sa $4,000 top purse gayundin sa 12th Annual Bob Stocks Memorial sa Sterling, Virginia.
Wagi rin si Filipino-Canadian Alex Pagulayan sa Dixieland Classic II na ginanap naman sa Spartanburg, South Carolina.
Pinataob ni Pagulayan si Shannon Murphy ng dalawang beses sa finals.