MANILA, Philippines — Napigilan ng University of the Philippines ang magandang simula ng University of the East upang iselyo ang 25-14, 22-25, 25-23, 25-23 panalo at makulay na tapusin ang kampanya nito sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.
Nanguna sa opensa ng Lady Maroons si Isa Molde nang pumalo ito ng 19 puntos tampok ang apat na aces kasama pa ang pitong digs at apat na receptions habang nagdagdag naman si Diana Carlos ng 14 markers at siyam na digs.
Maganda rin ang laro ni Marian Buitre na nagdagdag ng 11 puntos bago lisanin ang kampo ng UP kasama ni setter-spiker Arielle Estranero na tuluyan nang natapos ang kanilang five-year playing eligibility sa liga.
Isasara ng Lady Maroons ang season na ito tangan ang 6-8 baraha.
Tinapos naman ng Lady Warriors ang kanilang kampanya bitbit ang 2-12 rekord.
Sa ikalawang laro, binigyan ng Adamson University ng magandang pabaon ang mga graduating players nito makaraang pulbusin ang University of Santo Tomas, 25-6, 25-23, 25-23 para wakasan ang kanilang kampanya bitbit ang 6-8 marka.
Ito ang huling laro nina Jema Galanza, Mylene Paat, Fenela Emnas at Jellie Tempiatura para sa Lady Falcons.
Bagsak naman ang UST sa 4-10.
Umiskor si Shaya Adorador ng 15 puntos sa kanyang huling laro para sa UE.
Sa men’s division, pinayuko ng UST ang Adamson, 25-23, 21-25, 25-16, 25-17 upang maipuwersa ang playoff para sa huling tiket sa Final Four.