Aranas hari ng 8-Ball tourney

MANILA, Philippines — Winalis ni Zoren James Aranas ang lahat ng asignatura nito upang angkinin ang kampeonato sa 12th Annual Bob Stocks Memorial 8-Ball Tournament na ginanap sa First Break Café sa Sterling, Virginia sa Amerika.

Itinarak ni Aranas ang impresibong 7-0 demo­lisyon laban kay dating world champion Dennis Orcollo sa all-Filipino championship showdown para makuha ang korona sa torneong nilahukan ng 49 matitikas na cue masters.

Nakapasok si Aranas sa finals tangan ang twice-to-beat card matapos gapiin si Orcollo sa semifinals ng winners’ bracket sa iskor na 7-3.

Nahulog si Orcollo sa one-loss side kung saan pinataob nito si Fleming sa iskor na 6-4 sa do-or-die semis sa losers’ bracket.

Kabilang naman sa mga tinalo ni Orcollo sina Coen Bell sa first round (7-4), Paul Helms sa second round (7-1), Shaun Wilkie sa third round (7-2), Tom Zippler sa fourth round (7-1) at Rick Classcock sa quarterfinals (7-3) bago yumuko kay Aranas sa unang semis match.

Ito ang ikatlong korona ni Aranas sa taong ito--ang ikatlo ring all-Filipino finale na napagwagian ng bagitong cue master.

Namayagpag si Aranas sa 2018 Scotty Townsend Memorial 9-Ball Tournament laban kay Alex Pagulayan noong Marso sa West Monroe, Los Angeles at sa 2018 Music City Classic Open Division kontra naman kay Roberto Gomez noong Enero sa Madison, Tennessee. 

Show comments