MANILA, Philippines — Pinabagsak ng nagdedepensang De La Salle University ang Adamson University sa pamamagitan ng 25-21, 25-15, 22-25, 25-18 pagresbak upang pormal na masungkit ang top seeding sa Final Four kalakip ang twice-to-beat advantage kahapon sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Mabilis na naapula ng Lady Spikers ang sinindihang apoy ng Lady Falcons para mapatatag ang kapit sa No. 1 spot tangan ang 11-2 rekord.
Ang kabiguan ang tumapos sa pag-asa ng Adamson sa Final Four spot matapos bumagsak sa 5-8 baraha dahilan upang awtomatikong masungkit ng National University ang huling tiket sa semis tangan ang 7-6 marka.
Matamis na paghihiganti rin ito ng La Salle matapos matalo sa Adamson sa first round ng eliminasyon.
Nangibabaw si Season 78 Finals MVP Kim Kianna Dy na humataw ng 17 puntos mula sa 13 attacks, tatlong aces at isang block habang nagdagdag ang isa pang Finals MVP na si Desiree Cheng ng 13 markers para sa Lady Spikers.
“We’re really trying to improve every game. Marami pa kaming dapat i-improve at adjustments para mas maging solid kami pagpasok ng Final Four and Finals. Kulang pa kami sa panapos. Kailangan naming masustain yung simula namin hanggang sa dulo,” wika ni Dy.
Sa ikalawang laro, sinuwag ng Far Eastern University ang University of the East, 25-17, 25-15, 25-20 para mapalakas ang tsansa nito sa twice-to-beat card sa Final Four.
Sinaluhan ng FEU ang Ateneo sa ikalawang puwesto tangan ang 9-4 marka habang nanatili sa ilalim ang UE bitbit ang 2-11 rekord.