MANILA, Philippines — Muling tatangkain ng Malditas na nakasungkit ng silya sa prestihiyosong FIFA Women’s World Cup sa pakikipagtuos nito sa Thailand ngayong araw sa Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup 2018.
Magbabakbakan ang Pilipinas at Thailand sa ala-una ng madaling-araw (oras sa Maynila) sa King Abdullah 2nd Stadium sa Amman, Jordan.
Ang magwawagi sa pagitan ng Pilipinas at Thailand ay uusad sa World Cup na gaganapin sa France sa susunod na taon kalakip ang pag-usad sa Women’s Asian Cup knockout stage.
Walang puwang ang kabiguan o draw para sa Pilipinas dahil mas mataas ang goal difference ng Thailand kapag inilapat ang quotient system.
Parehong may isang panalo at isang talo ang Pilipinas at Thailand.
Subalit hawak ng Thailand ang plus one goal difference habang may minus two naman ang Pilipinas.
Magarbong sinimulan ng Malditas ang kampanya nito matapos igupo ang host Jordan sa iskor na 2-1 subalit lumasap ito ng 0-3 kabiguan laban sa China sa kanilang ikalawang pagsalang.
Galing naman ang Thailand sa 0-4 pagkatalo sa China bago nakaresbak sa Jordan sa pamamagitan ng 6-1 demolisyon.