MANILA, Philippines — Nasungkit ni Paul Marton Dela Cruz ng Philippine national team ang kanyang ikalawang gintong medalya matapos magwagi sa Olympic round ng individual men’s compound event sa 2018 Asia Archery Cup Stage 2 kahapon sa Rizal Memorial Baseball field sa Malate, Manila.
Tinalo ni Dela Cruz si Chen Hsiang-Hsuan ng Chinese-Taipei, 10-9 sa shoot-off ng naturang event.
Nangyari ang shoot-off makaraang magtabla sila sa143 puntos matapos ang 30 arrows.
Matindi rin ang pinag-daanan ni Dela Cruz bago umabot sa finals.
Nagwagi si Dela Cruz sa Chinese Taipei bet na si Pan Yu Ping sa second round, 144-140 at sinundan ng panalo laban sa isa pang Taiwanese na si Lin Hsin-Min sa quarterfinals bago talunin si Aman Saini ng India, 148-146 sa semis.
Ang unang gintong medalya ng 31-anyos na si Dela Cruz ay sa individual men’s compound qualification noong Sabado na nagbigay sa 2014 Asian Games bronze medalist ng top seed at first round bye sa Olympic round.
Umiskor siya ng kabuuang 704 puntos mula sa 354 sa first round at 350 sa second round para tumabla kay Lin Che-Wei ng Taiwan ngunit nakuha ng Filipino archer ang panalo dahil mas marami pa siyang arrows sa 10 at X rings, 57-46.
Ang iba pang miyembro ng national team ay sina Kareel Hongitan, Nicole Tagle, Pia Bidaure and Ferimi Bajado (recurve women) at Amaya Paz-Cojuangco, Jennifer Chan, Andrea Robles at Rachell Dela Cruz (compound women).