MANILA, Philippines — Nagkasya sa draw si reigning champion Grandmaster (GM) Wesley So sa unang dalawang rounds upang makisalo sa ikalimang puwesto sa prestihiyosong 2018 Tata Steel chess tournament na ginaganap sa Wijk aan Zee, Netherlands.
Nauwi sa pagtatabla ang laban nina So at GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan sa first round matapos ang 31 moves habang ganito rin ang naging resulta ng laban ng Pinoy wizard kontra kay GM Maxim Matlakov ng Russia sa second round matapos ang 30 moves ng Queen’s Gambit Accepted.
Makakasagupa ni So sa third round si GM Sergey Karjakin ng Russia sa third round kasunod sina GM Fabiano Caruana ng Amerika sa fourth round at GM Baskaran Adhiban ng India sa fifth round.
Matapos ang second round, may isang puntos na si So para samahan sina Karjakin, Caruana, Jones, Svidler at Kramnik sa No. 5.
Nangunguna si Giri na may malinis na dalawang puntos habang magkasalo sa No. 2 sina Carlsen, Mamedyarov at Anand na may pare-parehong 1.5 puntos sa torneong may nakalaang €10,000 sa magkakampeon at €6,500 sa runner-up.
Nakatali sa ilalim sina Wei, Adhiban, Matlakov at Hou na may magkakatulad na 0.5. (CCo)