Laro sa Linggo (OCBC Arena, Singapore)
4 p.m. Alab Pilipinas vs Singapore Slingers
MANILA, Philippines — Isinantabi nina Justin Brownlee at Renaldo Balkman ang jetlag nang humataw agad para iangat ang Tanduay-Alab Pilipinas sa 90-79 panalo laban sa Malaysia Westports Dragons sa pagpapatuloy sa 2017-2018 ASEAN Basketball League sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Pagdating nila mula sa US ng umaga, sumabak agad ang dalawang bagong imports kinagabihan kung saan tumapos si Bronwlee ng 29 puntos na sinuportahan naman ni Balkman ng 17 puntos upang umakyat ang Filipino team sa ikalimang puwesto sa 2-3 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Hong Kong Eastern Lions (7-0), Chong Son Kung Fu (3-0), Mono Vampire (4-3) at Singapore Slingers (3-4).
Ang Westports Dragons na pinangunahan nina Joshua Munson sa kanyang 21 puntos at siyam na rebounds ay bumaba sa ika-pitong puwesto sa 1-3 card.
Binalewala nina 6’7 Brownlee at 6’8 Balkman ang jetlag at binuksan ang laro sa 6-0 score tungo sa 20-7 lead mahigit 1:19 ang nalalabi sa unang yugto.
Lumamang lamang ng isang beses ang Westports Dragons, 61-58 sa jumper ni Ting Chun Hong ngunit kaagad binawi ni Brownlee ang bentahe sa kanyangwalong sunod na puntos at sinundan pa ng dalawang free throws ni Balkman para sa 68-63 bentahe tungo sa payoff period.
Umabot pa sa malaking 16 puntos ang agwat ng Nationals sa one-hand dunk ni Balkman, 81-75 mahigit 7:08 pa ang natitira sa laro.
“I feel great. We have a good team here. It’s good we won this game. We will play hard against Singapore on Sunday,” ani Brownlee na malaki rin ang naitulong sa back-to-back championship ng Barangay Ginebra sa PBA Governor’s Cup noong nakaraang taon.
Bukod sa malaking puntos, humakot din si Brownlee ng pitong rebounds, walong assists, tatlong steals at dalawang blockshots habang ang Puerto Rican na si Balkman ay nag-dagdag pa ng 11 rebounds, 1 assist, apat na steals at dalawang blocks para sa Nationals.