MANILA, Philippines — May 24 tankers ang ginawaran ng Most Outstanding Swimmer (MOS) awards sa Motivational Division ng 124th Philippine Swimming League (PSL) National Series na ginanap sa Laoag, Ilocos Norte.
Nanguna sa listahan sina Jonie Junior Balaweg ng Apayao (boys’ 11-year) at Sophia Gail Pinas ng Baguio (girls’ 8-year) na namayagpag sa kani-kanilang kategorya sa torneong nilahukan ng mahigit 500 tankers mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Wagi rin sina Denise Moira Baui (6-under), Franckeska Yauco (7), Jean Katherine Faye Yauco (9), Iona Marie Tumitit (10), Yeshia Altheya Cayabyab (11), Nikki Anne Dimabuyu at Angela Ragasa (12), Marie Enriquez (13), Leiresh Delos Trinos (14), Dana Ogay at Jewel Sermonia (15-over) sa girls.
Namayagpag naman sa boys sina Sean LeBronne Ballesteros (6-under), Jeanne Dominic Bongotan (7), Jace Miguel Valin (8), Lexx Valdez (9), Eric Domingo at Mark Valdez (10), Jose Erto at Harkin Carag (12), Mark Lawrence Sevilla (13), Arnold Ragasa (14) at Gian Santiago (15-over).
“It was a successful edition of the PSL. We’re hoping that these kids would continue what they’ve started until they reach their goals. We’ll be here to support them in achieving their dreams,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Naisagawa ang naturang kompetisyon sa tulong ng Sirib Swimming Club sa pangunguna ni Gem Ablan.
Inaasahang papangalanan ng PSL ang mga atletang nagkwalipika sa international competitions na lalahukan ng asosasyon sa mga susunod na buwan kabilang na ang Hamilton Aquatics Swimming Championship sa Dubai, United Arab Emirates.
Magpapartisipa rin ang PSL sa mga kumpetisyon sa Japan, Thailand, South Korea, India, Amerika, Singapore at Canada.