MANILA, Philippines — Isang importanteng panalo ang tatangkain ng Far Eastern University laban sa Jose Rizal University para palakasin ang kanilang tsansang makahirit ng tiket sa Final Four sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Collegiate Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Lumasap ng kabiguan ang Lady Tamaraws sa kamay ng National University upang mahulog sa ikatlong puwesto sa Group B tangan ang 2-1 rekord.
Nangunguna ang Lady Bulldogs na may malinis na 4-0 rekord habang nasa ikalawang puwesto ang Ateneo de Manila University na may 3-1 kartada.
Kaya naman inaasahang ilalabas ng Lady Tams ang matatalim na sungay nito para patumbahin ang Lady Bombers sa kanilang bakbakan sa alas-4.
Mangunguna para sa Morayta-based squad sina Bernadeth Pons, Jerilli Malabanan, Toni Basas at Angel Cayuna na nahasa na sa kani-kanilang mother teams sa commercial leagues.
Pinapaborang manalo ang Lady Tamaraws sa Lady Bombers na wala pa ring panalo sa apat na laro.
Subalit kailangan pa ring mag-ingat ng FEU dahil gigil ang Jose Rizal ma maisukbit ang unang panalo upang magkaroon ng magandang pagtatapos ang kanilang kampanya.
Nakatakda namang magharap sa ikalawang laro sa alas-6:30 ng gabi ang Lyceum of the Philippines at San Sebastian College-Recoletos.
May 1-2 rekord ang Lady Pirates na mangangailangan na walisin ang kanilang huling dalawang laro at umasa na hindi manalo ang Lady Tamaraws at Lady Eagles para maipuwersa ang three-way tie sa No. 2 spot.
Nauna nang umusad sa semis ang Adamson University na may 4-0 baraha sa Group B..
Sa men’s division, palalakasin ng La Salle (3-3) ang pag-asa nitong makahirit ng tiket sa semis sa pagharap sa UP (1-5) sa alas-10 ng umaga matapos ang bakbakan ng UST at San Beda sa alas-8.