MANILA, Philippines - Nalusutan nina Filipino-American Treat Huey at Tommy Haas ng Germany ang masamang panimula bago itakas ang 4-6, 6-4, 10-8 panalo laban kina French duo Julien Benneteau at Lucas Pouille upang umusad sa Round-of-16 ng prestihiyosong ATP World Tour Monte Carlo Rolex Masters na ginaganap sa Monte Carlo Country Club sa Monaco.
Tila nangangapa pa sina Huey at Haas na unang beses pa lamang nagsama bilang magkapares sa doubles event ngunit mabilis na nakaagapay ang dalawang manlalaro para kubrahin ang panalo sa larong tumagal ng halos dalawang oras.
Sunod na makakaharap nina Huey at Haas sina third seeds Jamie Murray ng Great Britain at Bruno Soares ng Brazil sa torneong may basbas ng International Tennis Federation at may nakalaang premyong 4,300,000 Euros.
Nakasiguro ng opening round bye sina Murray at Soares gayundin sina top seeds Henri Kontinen ng Finland at John Peers ng Australia, defending champions at second picks Pierre-Hugues Herbert.
Sa pagpasok sa Round-of-16, makasisiguro na sina Huey at Haas ng 16,550 Euros premyo kalakip ang 90 puntos para sa ATP world ranking.
Ang Monte Carlo tournament ay bahagi ng paghahanda ni Huey para sa 2017 French Open na gaganapin sa Mayo 22 hanggang Hunyo 11 sa Paris, France kung saan makakapares nitong muli si Max Mirnyi ng Belarus.