MANILA, Philippines - Katulad ni Mexican boxing great Juan Manuel Marquez, gagamitin din ni Australian challenger Jeff Horn ang kanyang mabigat na kanang kamay para pabagsakin si Manny Pacquiao.
Ikinumpara ni Horn ang lakas ng kanyang kanang kamay matapos mapanood ang ikaapat at huling pagtutuos nina Pacquiao at Marquez noong 2012.
Sa huling segundo ng sixth round ay sinugod ni Pacquiao si Marquez para tapusin matapos umalog ang mga tuhod ng Mexican fighter nang tamaan sa panga ng Filipino world eight-division champion.
Ngunit isinalubong ni Marquez ang kanyang pamatay na counter right handa para patulugin si Pacquiao.
Ayon sa 29-anyos na si Horn, dating school teacher, kaya rin niyang gawin ang ginawa ni Marquez sa kanilang pagkikita ni Pacquiao sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
“Marquez stopped Pacquiao with a big shot and I’ve got a very good right hand,” pagkukumpara ni Horn sa kanyang sarili kay Marquez sa panayam ng Fox Sports Australia.
Bukod sa mga laban nina Pacquiao at Marquez ay pinanood din ni Horn ang paghaharap nina ‘Pacman’ at Mexican Jessie Vargas noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Tinalo ni Pacquiao si Vargas via unanimous decision para agawin sa huli ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown.
Ang nasabing titulo ang itataya ng 36-anyos na si Pacquiao laban sa dating Australian Olympic Games campaigner.
“I watched Pacquiao’s last fight with Jessie Vargas (last November). I’ll move a lot more than Vargas did and give Pacquiao different angles the same way he did against Vargas. I’m hoping to catch him off balance every time he lunges in,” ani Horn sa kanyang estratehiyang gagawin.
Kasalukuyan nang nagpapakondisyon si Pacquiao kung saan siya tumatakbo tuwing umaga sa loob ng Forbes Park sa Makati at minsan ay naglalaro ng basketball matapos ang trabaho niya sa Senado.
Sisimulan ni Pacquiuao ang kanyang formal training sa susunod na buwan kasama si chief trainer Freddie Roach.