MANILA, Philippines - Magkakaroon ng bagong mukha ang swimming matapos kilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) si Ral Rosario bilang acting president ng Philippine Swimming Inc. (PSI).
Inatasan ng POC si Rosario na busisiin ang by-laws ng PSI upang masiguro na nakalinya ito sa patakaran ng International Olympic Committee (IOC).
Makakasama ng dating Asian Games gold medalist na si Rosario sa pagpapatakbo ng asosasyon si secretary-general Lani Velasco.
Inaasahang magkakaroon ng panibagong eleksiyon ang PSI para pangalanan ang mga bagong mangunguna sa asosasyon na siyang magpapatupad ng programa sa swimming sa bansa kabilang na ang grassroots development program.
Magugunitang nagsagawa ng eleksiyon ang PSI noong nakaraang buwan sa Bacolod kung saan nanalo bilang pangulo si Rosario.
Subalit hindi ito kinilala ng POC dahil hindi umano ito dumaan sa tamang prosesyo base sa patakaran ng National Olympic Committee aa pagdaraos ng eleksiyon ng isang national sports association.
Gayunpaman, binigyan ng tsansa ng POC si Rosario matapos itong makipagpulong sa ilang opisyales ng POC sa pangunguna ni Frank Elizalde.
Sa oras na maayos ang lahat, ipre-presinta ni Rosario ang mga dokumento sa POC para aprubahan kasabay ng pagkuha ng basbas ng FINA na siyang swimming international federation.
Umaasa si Elizalde kasama sina POC sec-general Steve Hontiveros at Atty. Charlie Ho na maayos na ang lahat sa susunod na buwan.
Handa rin ang POC na tanggapin ang Philippine Swimming League na pinamumunuan ng beteranong swimmer na si Susan Papa kung papayag itong mapasama sa PSI.
“They just have to apply before the PSI because it’s the group that’s recognized by the POC and the international federation (FINA). All stakeholders are welcome to join,” ani Hontiveros.
Sa ngayon, nais ng PSI na paghandaan ang pagsabak ng bansa sa 2017 Southeast Asian Games na gaganapin sa Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.