MANILA, Philippines - Sa Day One ng three-day training camp ng Gilas Pilipinas 5.0 sa Splendido sa Tagaytay noong Martes ay nagkaroon si Blackwater sophomore forward Arthur Dela Cruz ng ruptured Achilles tendon.
Sa nasabi ring araw ay sumailalim ang 6-foot-3 na si Dela Cruz sa isang emergency surgery sa Makati Medical Center.
Dahil dito ay apat na buwan na magpapahinga ang dating kamador ng San Beda Red Lions na magreresulta sa pagkakabura niya sa listahan ng Gilas Pilipinas training pool.
Hindi rin niya matutulungan ang Elite ni mentor Leo Isaac sa kampanya para sa darating na 2017 PBA Commissioner’s Cup na magsisimul bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Gusto ni Blackwater team owner Dioceldo Suy na magkaroon ang PBA at Samahang Basketbol ng Pilipinas ng malinaw na kasunduan hinggil sa mga GIlas players na magkakaroon ng injury.
Ang PBA-SBP MOA ay para lamang sa pagpapahiram ng mga PBA players ng kanilang mother ball clubs sa Gilas Pilipinas.
Bukod kay Dela Cruz, wala rin sa line-up ng Blackwater sina 6’8 JP Erram para sa mid-season conference si Gilas Cadet member Mac Belo.
Sina Dela Cruz at Belo ay ang leading scorers ng Elite sa nakaraang 2017 PBA Philippine Cup sa kanilang parehong average na 14.3 points per game.
Inaasahang sasandal ang Elite kay import Greg Smith, naglaro para sa Houston Rockets sa isang preseason game laban sa Indiana Pacers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong 2013.