Celebrities dadagsa sa CT Ironman 70.3

MANILA, Philippines -  Mga bigating artista ang matutungha­yan sa Century Tuna Ironman 70.3 para ipakita ang kanilang sporting skills at talent sa premier swim-bike-run event na pakakawalan sa Linggo sa Subic Bay.

Lumiban muna sa kanilang mga tra­­baho sina Dingdong Dantes, Drew Arellano, Gerald Anderson, Kim Atienza, Gretchen Fulido at Jake Cuenca para lumahok sa relay division kakabit ang premier 1.9km swim, 90km bike at 21km run event na nagtatampok sa mga top at upcoming triathletes sa buong mundo.

Sina Dantes, Arellano, Anderson, Atienza  at Fulido ay mga regular triathlon campaigners, habang ito naman ang unang pagkakataon na sasali si Cuenca matapos gampanan ang papel ng isang triathlete sa isang TV show.

Inaasahan ng nag-oorganisang Sunrise Events, Inc. at nagtataguyod na Century  Tuna na higit sa 1,000 ang lalahok sa ikatlong edisyon ng event matapos makapagtala ng 902 at 823 partisipante sa una at ikalawang edisyon, ayon sa pagkakasunod.

“With triathlon gaining tremendous popularity the last few years, we do expect to lure a record crowd for Century Tuna Ironman’s 70.3 third staging,” ani Princess Galura, ang general manager ng SEI.

Ang CT  Ironman 70.3 ang magsasara sa three-day weekend activies kung saan idaraos ang 2GO Bike Service and Expo sa March 10 at ang Alaska Ironkids at Century Tuna Superbods: The Underpants Run sa March 11.

Magsasalang ang Great Britain, US at Australia, nakilala dahil sa kanilang mga top triathletes ng 23, 22 at 20 entries, ayon sa pagkakasunod, habang may 16 ang Singapore, 14 ang Guam, 12 ang Japan, 11 ang Germany at 10 ang Switzerland.

Idedepensa nina Craig Alexander ng Australia at Swiss Caroline Steffen ang kanilang mga korona sa event na iniha­handog ng Century Bangus, Department of Tourism at Tourism Promotions Board.

Show comments