MANILA, Philippines - Nakabangon sina Grethcel Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian College sa masamang panimula bago itarak ang 16-21, 21-15, 15-11 panalo laban kina San Beda College twins Ma. Nieza at Ma. Jeziela Viray upang matamis na sungkitin ang four-peat sa NCAA Season 92 beach volley tournament na ginanap sa Subic Bay kahapon.
Nakumpleto nina Soltones at Eroa ang 10-game sweep para makuha ang ikapitong kampeonato sa liga.
Ito rin ang nagsilbing pampalubag-loob kina Soltones at Eroa na galing sa masaklap na kabiguan sa NCAA indoor volleyball competition kung saan yumuko ang thrice-to-beat Lady Stags sa Arellano University Lady Chiefs sa finals.
“Goodbye and thank you coach for helping us get here,” emosyonal na pahayag ni Soltones kay San Sebastian coach Roger Gorayeb na itinuturing nitong tatay-tatayan.
Nahirapan ang San Beda na makasabay sa San Sebastian matapos magtamo ng ankle injury si Ma. Nieza sa first set.
Hindi hinayaan ni Ma. Nieza na maging dahilan ito para sumuko dahil tinapos pa rin nito ang laban subalit mas kinatigan ng suwerte sina Soltones at Eroa sa bandang huli.
Ito ang ikalawang sunod na runner-up trophy ng San Beda kung saan natalo rin ang Viray twins kina Soltones at Eroa sa finals noong nakaraang taon.
Sa juniors, pinatumba ng Emilio Aguinaldo College ang Colegio de San Juan de Letran, 24-22, 21-15 para mabawi ang kampeonato.
Ito ang ikaapat na titulo ng Brigadiers sa kabuuan.
Sa men’s division, pinayuko nina Taneo brothers Relan at Rey Taneo ng Perpetual Hep sina Jhonel Badua at Joeward Presnede ng Lyceum, 21-16, 20-22, 17-15 para masungkit ang titulo.
Winalis ng Altas ang eliminasyon upang makuha ang twice-to-beat advantage sa finals
Subalit lumasap ang Taneo brothers ng 21-15, 16-21, 13-15 kabiguan kina Badua at Presnede sa Game 1 bago nakaresbak sa Game 2.
Ito ang ikalawang korona ng Perpetual Help.
“This will be an unforgettable championship for us because we showed composure when we could have folded,” ani Relan.