Giyera ng Bullpups, Baby Tams simula na

MANILA, Philippines - Mag-uunahang lumapit ang nagdedepensang kampeong National University at Far Eastern University-Diliman sa korona sa pagsisimula ng kanilang best-of-three championship series sa UAAP Season 79 juniors basketball sa FilOil Flying V Center sa San Juan ngayon.

Aminado si coach Jeff Napa na hindi magiging madali ang kanilang susuunging laban sa inaasam na ikaapat na korona dahil batid nito na mabigat na laban ang ilalabas ng Baby Tamaraws.

“I expect a very exci­ting game,” wika ni Napa patungkol sa pang-alas-2 ng hapong engkuwentro na live na eere sa S+A Channel 23.

Hindi magiging problema sa tropa ni Napa ang pagkawala ni gradua­ting  Justine Baltazar dahil nandiyan sina John Lloyd Clemente, Rhayyan Amsali, Karl Peñano, Paul Manalang at Winderlich Coyuca na inaasahang kakayod ng todo sa NU para supilin ang hamong ibibigay ng Baby Tamaraws.

“I think it’s a good experience going sa Finals against NU, which is a ve­te­ran team,” wika naman ni  FEU-Diliman mentor Allan Albano, aasa kina  LJ  Gonzales, Kenji Roman, Jack Gloria at RJ Abarrientos para sa kanilang kampan­ya na ibalik muli ang titulo sa Morayta.

Show comments