MANILA, Philippines – Hindi matinag ang University of the East matapos walisin ang kampeonato sa men at women’s divisions gayundin sa girls at boys sa high school category ng UAAP Season 79 fencing tournament kahapon sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion Arena.
Inangkin ng Red Warriors ang ika-11 korona sa men’s division tangan ang kabuuang apat na ginto, dalawang pilak at dalawang tanso kung saan nakasungkit pa ang UE ng gintong medalya sa men’s team epee event sa huling araw ng kumpetisyon.
Pumangalawa lamang ang University of Santo Tomas na may dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang tanso habang ikatlo ang University of the Philippines na may dalawang pilak at tatlong tanso.
Magandang pabaon din ito kay graduating player Nathaniel Perez na siyang nanguna sa kampanya ng Red Warriors para tanghaling Most Valuable Player.
Ito ang ikatlong MVP ni Perez na nakasiguro rin ng tanso noong 2015 Singapore Southeast Asian Games.
Sa kabilang banda, dinomina ng Lady Warriors ang women’s division nang kumana ito ng apat na ginto, dalawang pilak at dalawang tanso kabilang ang gintong medalya sa women’s team epee at sabre events sa huling araw ng bakbakan.
Ito ang ika-11 women’s title ng UE.
Nasa ikalawa lamang ang Ateneo de Manila University na may 1-2-3 habang ikatlo ang UST na umani ng 1-1-1.
Itinanghal na MVP si Andie Ignacio ng Ateneo - ang unang Lady Eagles na nakakuha ng pinakamataas na parangal sapul noong 2007 nang hablutin ni Victoria Grace Garcia ang naturang pagkilala.
Ibinigay naman kay Gerry Hernandez ng UP ang men’s Rookie of the Year trophy.
Nakopo naman ng Junior Warriors ang ikapitong korona sa boys’ division at ikaanim na sunod sa girls’ category.