Mbala hinirang na Smart Player of the Year

Ben Mbala

MANILA, Philippines - Iginawad kay Ben Mbala ng De La Salle University ang Smart Player of the Year award sa ginanap na Collegiate Basketball Awards kagabi sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez Ave. sa Quezon City.

Nasungkit ng Came­roonian center ang pinakamataas na parangal matapos tulungan ang Green Archers na makopo ang ikasiyam na UAAP championship kasama pa ang pagsikwat sa Most Valuable Player award.

Si Mbala ang ikaapat na manlalarong ginawaran ng naturang pagkilala para samahan sa listahan sina La Salle teammate Jeron Teng, dating Ateneo star at two-time winner Kiefer Ravena at Far Eastern University standout Mac Belo.

Pinangunahan din nina Mbala at Teng ang Collegiate Mythical Five kasama sina Jio Jalalon ng Arellano University, Javee Mocon ng San Beda College at Allwell Oraeme ng Mapua Institute of  Technology.

Tinanggap din nina Aldin Ayo at Jamike Jarin ang Coach of the Year honors na dinala ang La Salle at San Beda sa kam­peonato sa UAAP at NCAA.

Kabilang din sa mga pinarangalan sina Kib Montalbo ng La Salle at Davon Potts ng San Beda bilang Pivotal Players, University of the Philippines guard Jett Manuel at Far Eastern University forward Raymar Jose bilang Super Senior awardees, Adamson center Papi Sarr bilang Mr. Efficiency, UP guard Paul Desiderio ang Breakout Player at sina Robert Bolick ng San Beda at Isaac Go ng Ateneo bilang Impact Players. (CCo)

Show comments