MANILA, Philippines – Kagaya ng retirado nang si world five-division champion Floyd Mayweather Jr., payag din si Manny Pacquiao na labanan si UFC superstar Conor McGregor.
Ngunit hindi sa loob ng UFC octagon kundi sa ibabaw ng boxing ring.
“In boxing? In boxing I would fight McGregor but not in UFC, just boxing,” sabi ng 38-anyos na si Pacquiao sa panayam ng Fox Sports Australia.
Ilang report ang naglabas ng pagpayag ni Mayweather, nagretiro noong Seytembre ng 2015, na labanan si McGregor sa isang boxing match.
Ngunit ito ay kung babayaran siya ni UFC president Dana White ng $100 milyon.
Inalok ni White si Mayweather ng $25 milyon para makipagsuntukan kay McGregor.
Ito ay pinagtawanan lamang ng American legend na kumita ng $300 milyon sa kanilang super fight ni Pacquiao noong Mayo ng 2015.
Hindi naman sineseryoso ni Pacquiao ang nasabing laban nina Mayweather at McGregor.
“I don’t know if they are taking it seriously. It’s on the news but I don’t know if it will happen,” wika ni Pacquiao.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization welterweight crown kay Australian challenger Jeff Horn sa Abril.
Hanggang ngayon ay hindi pa napapanalisa ang prize money nina Pacquiao at Horn pati na ang petsa at venue.